Saturday, December 25, 2010
mga certificate
Ala-ala pa rin sa akin ang ilang mga naka-paskel dito sa site. Ilan lamang din ito sa mga natanggap kong certificate na pagkilala sa akin bilang isang kartunista na sumusuporta sa kanilang mga proyekto tulad ng Climate change, mga filipino immigrant sa Hawaii, Asean Nation at iba pa.
Sensya na uli at baka nayabangan kayo sa mga nailagay ko o nasabi ko. Always remember, mababaw lang akong tao at kasiyahan ko na ang magpapansin. 'Yun lang po.
mga nagbigay-pansin
Sa katulad kong baguhan lamang sa larangan ng cartooning ay ikinararangal ko ang mapabilang sa pagbibigay- pansin ng mga kilalang writer/ columnist sa aking mga obra. Hindi naman kagandahan ang aking mga nagawa ngunit makahulugan ito at sinisigurong maihahatid ang mensahe nito sa ilan nating matataas na lider ng bansa kung kaya't may dahilan din ito kung bakit napabilang sa mga nanalo sa ilang competition. Itong mga nakapaskel ay mga naunang nailathala sa ilang tabloid at broadsheet ka'y maingat ko pa rin itong isinantabi.
ngayon ay naisipan kong ipaskel dito sa blogger site hindi upang ipagyabang kundi bigyang inspirasyon ang ilang baguhan na nais ding mangarap tulad ko.
isang karangalan na gawin akong hurado at instructor
Masarap din palang makapagturo sa mga estudyanteng kapwa ko mahilig sa drowing. kaya't naging masigasig akong magbigay ng mga ilang teknik kung paano gumawa o maglatag ng isang editorial cartoon. at habang ginagawa ko iyan sa mga estudyante at ilang guro na naging kasama ko, sila naman ay may kapakumbabaang nakinig sa akin at nagbigay-pansin sa bawat guhit na aking nilalatag sa board.
masaya ako at naging kaibigan ko rin sila at nakasama sa loob ng dalawang araw na sesyon. at itong ilang mga litrato na naka-paskel ay patunay na nami-miss ko ang tulad nila. salamat kay Dra. Bergado ng DepEd sa Cavite at ilang mga guro na sumuporta sa kanilang mga estudyante. Sana'y magkasama tayong muli sa susunod pang mga event.
Maraming salamat po!
my slice cartoons
Na-challenge ako sa ilang publisher na nagpagawa akin tulad nitong slice of life na mula sa orihinal na konsepto ni Maestro Alcala. Pero ito naman ang bersyon ko sa paggawa ng mga karakter sa buhay nating mga Pilipino na may halong katatawanan ngunit makatotohanan din naman.
May mga topic bawat linggo ang ginagawa ko rito at masasalamin ang mga pangyayaring nagaganap sa Pilipinas. Lalo na kung ikaw ay isang Ofw na matagal nang hindi nakakauwi sa ating bansa ay maaari mo itong pagmasdan ang aking mga nagawang obra.
At sana'y magustuhan nyo rin ito. Salamat po!
SKP o Samahang Kartunista ng Pilipinas
Ang grupo ng mga kilalang kartunista sa buong Pilipinas. Ito rin ang grupo na malaking naitulong sa akin dahil sila ay nagbibigay ng sideline at nagbibigay ng mga tips and ideas about how to improve your goal to be a better cartoonist. Mga simple at hindi mo aakalaing mga bigatin ang bawat miyembro nito ( hindi pa ako kasama sa bigatin dahil over weight lang ako. hehehe) Maraming napapasaya ang bawat miyembro dahil sa mga angking galing sa pagsusulat at pagguhit ng mga cartoons.
Salamat kina Sir, Boboy Yonzon, Rene Aranda, Roni Santiago, Norman Isaac, Nick Pertierra, Jun Aquino, William Contreras, Freely Abrigo at iba pa.....
At ang mga naabutan kong miyembro na pumanaw na. Si Sir Boy Togonon at Pareng Roger Sanchez.
Ang ilan sa mga libro ng SKP na nakasama ako ay naka-displey rito. And I am very proud!
Salamat sa kanilang lahat!
UNGGUTERO
Nangangahulugan itong mga Unggoy na Komikero at diyan nagsimula ang Unggutero. ito ay alaala sa akin ng mga matatagal ko ng mga kaibigang sina Eric De Omana, Edward martinez, Alberto 'Ogie' Reyes, Walter De Vera, Celeste 'Mae' Capiral, Alfie Santiago at maging sina Ricky Sanchez, Bonan at Obet Briones.
Sila ang ilan sa mga naging inspirasyon ko upang lumikha ng isang comicstrip na pwedeng isalibro. Bagama't wala duon ang related karakter nila e, sila pa rin ang nasa likod ng katatawanan na inilalabas ko sa LIBRE INQUIRER.
Masaya ako dahil bukod tangi itong comicstrip ko ang tumagal sa Libre na lumalabas sa iba't ibang istasyon ng LRT, MRT, PNR at ilang mga fastfood chain. Siyempre pa, I'm proud dahil kahit Libre ang tawag dito, may bayad pa rin ito sa akin. Around 100 thousand copies a day. 'yun ang pagkaalam ko. At pasensya na sa mga hindi nakakakuha ng diyaryong Libre dahil may mga ilang guwardiya sa mga istasyon ang nagtatago ng mga ilang kilo lang naman. pero 'pag pinagsama-sama ito, pwede na ring pagkakitaan sa loob ng isang linggo. hehehe
kaya suggest ko sa ilang nais makakuha ng diyaryong Libre? Manghingi sa guwardiya ng istasyon. Kung sabihin niyang wala na, hanapin mo kung nasaan ang kanyang bagahe at siguradong nadun nakaipit. hahahha
'Obando' ang aking bayang kinamulatan
Ang bayan na aking ipinagmamalaki kahit ito ay binabaha. Isang simple ngunit maayos na pamumuhay ang mga naninirahan dito. bagama't iilan lang ang mga barangay tulad ng Panghulo, Catanghalan, Pag-asa, Paliwas,Quebadia, Wawang Pulo, Lawa, Paco, Tawiran at Binuangan.
Marami akong naging kaibigan at hanggang sa ngayon ay sila pa rin ang mga kaibigan ko.
Basta para sa akin, masaya ako sa tuwing naaalala ko ang mga karanasan at kakatuwang nangyari sa akin diyan sa bayan ko, ang Obando!
Kara kuripot na lumabas sa Liwayway magasin
Salamat sa editor ng Liwayway magasin na si Mam angie perez at sa mga assistant nito. malaking bagay ang paglabas ng aking mga obra dito sa magasin. dahil alam kong bibihra na lang ang may komiks na matatag tulad nito.
Ang karakter na Kara Kuripot ay isang babaeng ina na magaling dumiskarte kapag may kinalaman sa pinansiyal. At isang babae na madaling lapitan ng mga kapitbahay at ilang kaibigan. ngunit tanging asawa lang nito na si Anteng O Galante Ripowt ang kontra kay Kara.
Ayaw ng asawa nito ang pagiging kuripot ni Kara dahil siya ang unang apektado.
Ang kuwento ay karaniwan na sa buhay natin sa ngayon. May mapupulutang aral at nakakatuwang mga eksena.
Friday, December 24, 2010
big break of my editor KC CORDERO
Alam nyo ba na may nakilala akong isang editor na sa una'y hindi ko mapapagkamalang editor dahil sa pananamit nito at buhok. naka t-shirt at maong short, naka-hair dye na kulay brown, naka-bag pack. At siyempre, first impression ko sa kanya ay suplado! (akala ko pa nga nuon e, bading! heheh)
Nagkasama kami sa The Manila Times Publishing at nung panahon na yun e first time ko mag-in-house cartoonist. ('buti at nagtiwala sa akin si sir BoyTogs). Minsan may ipagagawa syang illustration duon sa nag-aassist sa kanya at sa akin nga itinuro upang ako ang gumawa e, naalangan pa yata sa akin at akala'y kung sino akong may mataas yatang posisyon sa kumpanya. (dahil siguro sa hilig kong mag-desente!) At duon kami unang nagkakilala.
Na-shock nga ako nang malaman kong isang Kc Cordero ang kaharap ko. I mean, yung editor sa Atlas na nag-reject sa akin at parang nilipad ng hangin ang sample artwork ko. (medyo natawa nga lang siya at di na masyado matandaan dahil siguro sa kasikatan niya nuon at sa ngayon. hehehe) pero ang isa pang nagpa-shock sa akin, na ang isang Kc Cordero pala na magaling sa mga kuwentong nobela at prosa ay isang LALAKE? Naku!
Pero s'ya na pala ang naging daan upang ipagpatuloy ko ang isang career na pagiging CARTOONIST. Siya ang Kc na supladong kaibigan ko na maraming naitulong, hindi lang sa akin kundi sa iba pang kapwa manunulat at dibuhista. Siya ang nag-reject sa akin nuon, ngunit nagtiwala nang lubos upang ako ay bigyan ng pagkakataon na magpasaya at magpakilala sa lahat nang mambabasa.
Salamat pare! You're my boss! Kung meron mang umaway sa 'yo, hatian mo ako para maipagtanggol kita. Hindi natin sila gagamitan ng bato o kutsilyo o baril. sa halip, gagamitan natin sila ng ating mga pen and ink na may kasamang isip at damdamin. At duon natin sila gagantihan..... nang pagmamahal! okey?
Ang buhay ng isang kartunista
Nung bago pa lamang ako sa larangan ng pagguhit ng cartoon para sa mga diyaryo na ibig kong pasahan ng mga gawa o sample, ay hindi pala gawang biro upang ikaw ay matanggap o pagbigyan na mailabas ang iyong mga gawa lalo na't kung ikaw ay hindi pa kilala.
Hindi naman kailangan ang requirements na tulad ng diploma o NBI clearance para matanggap ka sa iyong inaaplayang publishing newspaper o kaya naman ay nag-graduate ka bilang isang fine artist. Ang kailangan lang pala ng isang publisher o ng isang editor ay, may gats ka o may dating ang istilo mo sa larangan ng cartoons. May sariling style at malalim at may idinidiin ka sa iyong mga gawa.
duon ko napagtanto na mahirap din pala na marunong ka lang sa pagdrowing ng cartoons. dapat din pala ay marunong ka ring magsulat ng istorya na nakakatuwa at pwedeng kilalanin at maimpluwensyahan ang mga bata o matanda na makakakita rito. tulad ng mga karakter na sina asyong aksaya, barok at mang kepweng.
Naisip kong gayahin ang style ni Larry Alcala pero mahirap din pala sundan ang style niya dahil limitado lang ang kilos ng karakter ko. at naghahanap pa ako ng references buhat sa kanyang mga obra. At dahil sa tiyaga kong hanapin ang istilong pwedeng sabihin na ako na nga ang gumawa at hindi nanggaya, ay marami naman ang bumatikos at hindi naniwala. dinebelop ko ang style ni Alcala at hindi maikakaila na siya ang sinundan kong style. Pero nalaman kong marami pala kami (aspiring Alcala) na pilit na sinusundan ang isitilo niya kaya lalo akong naging aggressive. sila mga nais pang sumunod sa yapak ni Alcala, sila na lang ang sumunod (ayoko kayang mamatay agad! hahahaha! joke!)
Sabi nga ng aking dating editor na si mam josie ng Atlas! "Siguro nga Blad, sisikat ka rin. Kahit hindi ka masyadong marunong magdrowing basta't masipag at may disiplina ka sa iyong sarili!" At iyon ang nagpalakas ng loob sa akin. Salamat kay Mam Josie.
Subscribe to:
Posts (Atom)